May isang lalakeng nagngangalang Brent. Kalagitnaan si Brent. Actually, nalilito pa siya kung babae siya o lalaki. Basta ang alam nya, may mga natitipuhan siyang mga lalaki – mga lalaki sa facebook, mga fina-follow niya sa tweeter, mga followers nya sa blogspot, at mga lalaki sa Ateneo. Isa rin siyang volunteer sa isa sa mga opisina sa eskwelahan. Dun siya nagkaroon ng matalik na kaibigan, si Sheryl.
Si Sheryl naman ay isang babae (siyempre). Simpleng babae lang ito si Sheryl. Di gaanong nag-aayos, tamang linis lang sa katawan, masipag, palakaibigan, at… madaling ma-inlove. Kahit simpleng babae lang siya, marami-rami na rin siyang naging boyfriend. Anim na ata ang mga dumaang lalaki sa buhay nya bukod sa mga iba pang nali-link sa kanya sa opisina. Pero di gaanong tumatagal ang relasyon nya sa mga lalakeng ito. Madalas pag kinakanchawan siya ng mga kapwa volunteer nila sa office, ang sinasabi niya, di lang talaga siya ‘meant to be’ sa mga naging boyfriend nya.
Pag tumatakbo itong si Sheryl kay Brent madalas kinakanchawan rin lng siya. Biruin mo, apat na taon na rin silang magkaibigan. “Ibo” nga ang tawag ni Brent sa kanya dahil hindi raw binibigyan ni Sheryl ng hustisya ang pangalan nya. Masyado daw siyang apilada para magkaroon ng pangalan na Sheryl. Pero bukod dyan, nagkakasundo rin naman sila sa maraming bagay. Bukod sa mga lalakeng medyo natitipuhan nila (ng patago), mahilig din silang mag-blog dahil parehas silang emotera. Aktibo din sila sa buhay volunteer nila kaya’t tinitingala sila nga mga nakababatang volunteer sa opisina.
Araw-araw pagkatapos ng klase, sabay-sabay silang kumakain ng dinner sa isang kainan malapit sa Ateneo. “
Shout Out” daw ang pangalan ng lugar. Madalas ‘tong puntahan ng grupo pagkatapos ng isang mahabang araw sa eskwelahan. Cool daw yung lugar kasi bagay na bagay yung pangalan sa interior design nito. Mukha kasing mahilig mag-vandal ang mga pumupunta dito. Pwedeng pwede kang magsulat kahit saan. Sa lamesa pwedeng pwede kasi laging may manila paper na nakapatong. Pwede ka ngang mag-compute dun o magpunit ng kapiraso para makapag-report sa klase. Pwede rin sa pader at sinong di mag-aakala na pwedeng magsulat sa CR pero siyempre, iniiwan pa ring malinis ang napakaputing inidoro nito.
Dahil parehas nang graduating si Brent at Sheryl, sinusulit na nila ang mga nalalabing buwan nila sa college. Kaya yun, gabi-gabi silang pumupunta sa Shout out kasama ang mga kapwa volunteer nila sa opisina. Isang gabi, napapa-judy ann si Brent. Ayun, pumasok siya sa CR at umupo sa inidoro. Sa sobrang inip, pinagbababasa niya ang mga vandal sa cubicle. Nga pala, iisa lang ang CR na may iisang cubicle at may hugasan sa labas kaya pwede itong pasukan ng babae o lalake.
Going back, nakaupo lang si Brent sa kanyang trono. Biglang may nabasa siya sa isang side ng cubicle. Ang sabi, “
magugunaw nalang ang mundo, hindi pa rin ako nagkaka-boyfriend”. Biglang natanyag si Brent! Naalala nya ang nakaraang earthquake at tsunami sa Japan pati na rin ang tsunami alert sa Pilipinas at ang 4.7 magnitude na lindol sa Bikol!
Pero tamang tanyag lang naman, napaisip-isip lang naman siya. Naalala nya yung mga kinirs nyang mga lalake online at through text na di naman natuloy. Naalala niya rin tuloy yung sinabi niya kay Sheryl na pag desperado na siyang magka-boyfriend at wala talagang pumatol sa kanya, si Sheryl nalang ang papatulan nya.
Dahil mapaglaro ang isip ni Brent, naisipan nyang magsulat sa cubicle. Naghanap siya ng magandang spot sa cubicle – sa tapat lang naman mismo ng inidoro. At sinulat niya ang pangalang “
Ibo”.
Sunod na linggo, tinawag ng kalikasan si Sheryl at pumunta sa CR. Pag-upo niya sa inidoro nabasa niya ang “
Ibo”. Nagtaka naman siya at nakasulat dun ang pangalan niya. Napaisip na rin si Sheryl kung sino ang pwedeng magsulat nito. Siyempre unang naisip niya si Brent pero vocal din naman si Brent sa opisina kaya alam din doon na “
Ibo” ang tawag sa kanya. Nonetheless, na-tripan nya ring magsulat ng reply. Sabi niya, “
Yes?”
Sunod na pagkakataong tinawag ng kalikasan si Brent, nagulat siya at may reply ang vandal niya sa CR. Sa isip niya, imposible namang patulan ni Sheryl ang vandal kasi may pagka-hard-to-get daw ito. Pero yun, natawa lang si Brent at gusto niyang ituloy ang trip. Sunod niyang sinulat, “
Si Sheryl ka talaga?” para makasiguro kung si Sheryl nga ang nagsulat.
Nag-reply si Sheryl… “
ai hindi… hindi… hindi ‘to si Sheryl.”
“
Seryoso nga…”
“
Oo nga.”
“
Napag-isip-isip ko lang kasi…”
“
Na ano?”
...
Naging ritual na ng dalawa ang magbasa kapag may pagkakataong pumunta sa CR. Ritual na rin ang pag-upo sa inidoro para mabasa ng mabuti ang bawat mensahe na nakasulat. Isang gabi, bigla nalang naisip si Brent na seryosohin nalang ang pagpapalitan ng mensahe dahil ramdam niyang desperado na siya na walang lalakeng papatol sa kanya. Kung meron man, si Sheryl na siguro ang lalaking iyon (haha). Desidido rin naman si Brent na maging lalaki kung magkaka-girlfriend siya. Saka kung titingnan, mukhang maganda rin naman ang magiging relasyon nila ni Sheryl kung magkakatuluyan sila kaya yun, itinuloy nya… “
I was the one who saw you first”.
Sa pagkakataong iyon, napag-isip na rin ni Sheryl na kilalanin kung sino ang nagsusulat ng mensahe sa kanya. Pero naalala niya na hard-to-get pala siya. Kaya yun, hindi niya muna sinagot ang mensahe saka mukhang ‘di rin naman humihingi ng sagot kasi hindi naman yun tanong diba? :P
Sabik na sabik si Brent na bumalik sa CR. Medyo kinakabahan sa magiging sagot o reaksyon ni Sheryl. Pagpasok nya at pag-upo sa inidiro, nagtaka siya dahil walang sagot. Inisa-isa niya ang mga mensahe sa pader dahil baka sa ibang parte rin lang sinulat ni Sheryl ang mensahe nya. Pero wala, wala talaga, wala rin siyang kaparehas na sulat. Tiningnan niya rin ang inidoro, naisip na na baka gusto siyang pahirapan at baka naisipan niyang magsulat at bahiran ng dumi ang napaka-puting inidoro. Pero wala, wala talaga.
Nagsulat muli si Brent sa pader, “
Bakit hindi ka sumagot? Na-miss kita”.
Kinilig si Sheryl. Pa-virgin. Sagot nya, “
Abala lang sa clearance”.
“
Ahh ganun pala… May gusto kasi akong tanungin.”
“
Ano naman yun?”
“
Matagal na kitang kilala… Matagal na rin kitang nakikita… Can we meet up?”
Kinabahan si Sheryl. Basta kinabahan siya. Naramdaman nya na naman ang kaba ng pakikipagkita sa mga lalake kasi naalala niya yung mga naging boyfriend nya. Umaasa naman siya ngayon na sana medyo may itsura ang makikipagkita sa kanya. Pero naisip niya na baka iba naman talaga ‘tong lalakeng ito kaya yun, sinagot nya ang tanong.
Sunod na gabi, magkasama pa sila ng grupo nang pumunta sa Shout Out. Excited si Brent na tawagin ng kalikasan. Pero ang tagal kaya kusa nalang siyang pumunta sa CR. Pagpasok, pumikit siya papunta sa inidoro. Kumapa-kapa nalang siya para may thrill at hindi ma-spoil ang surprise answer na hinihintay nya. Pag-upo nya at pagmulat ng mga mata, nagulat siya!
Bagong pintura ang cubicle! Bigo siyang malaman ang sagot ni Sheryl sa tanong nya. Planado na sana ang gagawin at sasabihin niya sa pagkikitang inaasam niya. Bigo si Brent ng lumabas sa CR ngunit hindi niya pinakita ito sa grupo at baka mahalita rin lang ni Sheryl na siya ang nagsusulat ng mensahe. Si Sheryl naman, pumunta din sa CR at nalungkot sa pangyayari. Masyado na atang puno ng vandal ang cubicle kaya naisipang pinturahan ng mayari. Binawalan na rin ‘tong sulatan dahil may nag-away daw noong nakaraang araw dahil lang sa mga vandal.
Parehas hindi nagpahalata ang dalawa. Naisip nilang baka sadyang mabubura nalang ang pagkakataong nagkausap sila sa pamamagitan ng pagsulat sa cubicle na iyon.
Graduation na nila sa sunod na linggo. Napag desisyunan na rin nila na balewalain ang mga pangyayari. Nanatiling magkaibigan si Brent at Sheryl. Ni hindi rin nila napagkwentuhan ang tungkol sa vandal. Naging busy na rin sila sa sarili nilang buhay pagkatapos ng graduation. Nagdaan ang mga araw, linggo, buwan, at taon, may kanya-kanya na silang buhay.
Pagkalipas ng apat na taon, nagkaroon ng reunion ang grupo nila sa Shout Out. Masaya nilang binalikan ang mga panahong magkakasama sila noon. At ang dalawa naman, patagong inisip na binalikan ang mga mensahe sa cubicle. Medyo may kalumaan na rin nga pala ang lugar. Mukhang hindi na-maintain ang design sa loob, halatang napaglipasan na rin ng panahon.
Naunang tinawag ng kalikasan si Brent. Pagpasok niya, napansin niya ang inidorong maputi pa rin kahit na medyo luma na. Sinubukan niyang umupo ulit sa inidro para balikan ang mga alaala. Pagkaupo niya, nagulat siya sa kupas na pintura sa cubicle. Medyo may nababasa siyang mensahe. Naisip niyang maaring mensahe yun ni Sheryl. Kinitkit niya ang pintura... Kinitkit niya na parang tunay na lalake. Tagumpay na natanggal ang pintura… at nabasa ang mensahe ni Sheryl.
-WAKAS-
Ang kwento ay binigyang inspirasyon ng isang kapwa volunteer ng graduating batch 2011.
Ang mga karakter,pangyayari at lugar ay kathang isip lamang.
I repeat, KATHANG ISIP LAMANG.
Marie Joanna Camille D. Belmonte
BS Psychology 3
HUMS001, N5
P.S.
Di na ko magpapaliwanag sa sumusulpot na inidoro sa mga eksena. Basta ang importante, nakapasa ako ng final paper sa humanities at natuwa kahit papano sa sinulat ko. HAHA:))